Sunugin ang mga kokirum na sasakyan dahil ito ang nagpapasikip ng daloy ng trapiko sa Metro Manila.
Ito ang biro ni dating MMDA Chairman at ngayon ay Marikina Congressman-elect Bayani Fernando nang makausap ng media habang nagsasagawa ng orientation sa Malaking Kapulungan ng Kongreso.
Pagbibiro pa nito na kung pwede nga lang sanang sunugin na agad ang lahat ng mga mahuhuling kolorum na unit para mabawasan ang mga ito.
Sa pagbubukas aniya ng 17th Congress ay kanyang isusulong ang pagpapabigat sa parusa sa mga mahuhuling kolorum na sasakyan.
Isa rito ang pagtataas ng multa sa mga sasakyang iligal na namamasada para malugi ang mga operator ng kolorum.
Masyado aniyang magaan ang multa sa mga kolorum kaya maraming operators ang sumusugal kahit nahuhuli ang kanilang units paminsan-minsan.
Ang kailangan aniya ay madala na ang mga salarin sa unang violation pa lang.
Sa pangalawa ay dapat nang malugi ang mga operator ng iligal na namamasada.
Kailangang kalahati aniya ng halaga ng sasakyan ang multang ipataw sa mga kolorum operator.
No comments:
Post a Comment