Kulungan ang binagsakan ng isang nurse nang ipaaresto ng obispo na kanyang tinangkang kikilan matapos bantaang ibubulgar ang kanya umanong affair sa isang pari sa lalawigan ng Sorsogon.
Nakapiit ngayon sa detention cell ng Sorsogon-PNP at nahaharap sa kasong robbery extortion ang suspek na si Leo Funtanares, 26, residente ng naturang lugar.
Kwento ni Bishop Arturo Mandin Bastes, nagtungo sa kanyang tanggapan si Funta-nares noong Mayo 3, 2016, at inamin ang relasyon umano nito sa isa sa mga pari na nasa ilalim ng hurisdiksyon ng una. Pakay ng suspek na humingi ng tulong upang matigil na ang relasyon nila ng pari.
Ngunit pagdating ng Mayo 13, 2016, nabigla umano ang obispo nang hingan na siya ng P10 milyon ng suspek at pinagbantaan pa siya na isasapubliko ang relasyon nila ng hindi pinangalanang pari.
Makalipas ang halos 11 araw ay bumalik si Funtanares at sinabing binawasan na niya ang kanyang hinihingi sa obispo at ginawa na lamang itong P5 milyon. Dahil sa pamimilit ng suspek, binigyan ito ni Bishop Bastes ng P25,000 at sinabihan na bumalik sa kanyang opisina makaraan ang dalawang linggo para sa ikalawang installment.
Lingid sa kaalaman ng suspek, nakipag-ugnayan si Bastes sa mga awtoridad at agad isinagawa ang entrapment operation.
Nakumpiska sa suspek ang isang puting sobre na nag-lalaman ng perang nagkakahalaga ng P25,000 at ang acknowledgement receipt na pirmado pa ni Funtanares na may petsang Hunyo 1 at Hunyo 17, 2016.
Matapos nito, dinala sa nasabing himpilan ng pulisya ang suspek at sinampahan ng kaukulang kaso.
No comments:
Post a Comment