Friday, June 17, 2016

UV RAPE SUSPECT NAPATAY

Hindi na sinikatan ng araw ang isa sa mga suspek sa panghahalay sa dalawa nilang pasahero sa UV van matapos itong barilin ng pulis nang tangkain umanong mang-agaw ng baril habang lulan sila ng mobile car kahapon ng madaling araw sa Quezon City.
Kinilala P/Supt. Rodel Marcelo, hepe ng Criminal Investigation Unit (CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD) ang suspek na si Alfie ‘Buddy’ Turado.
Base sa ulat, dakong 2:00 ng madaling araw nang mamataan ng mga residente ng Barangay Obrero ang suspek kaya kinuyog nila ito.
Agad namang naalerto ang mga opisyal ng barangay sa kaguluhan at sa kanilang pagresponde ay nasagip si Turado sa mga galit na residente saka dinala sa Kampo Karingal sa opisina ng CIDU para maimbestigahan.
Dito na iniharap si Turado sa naunang nadakip na si Wilfredo Lorenzo ngunit nagturuan ang mga ito kung sino ang humalay sa dalawang dalagang pasahero nila. Giit ni Turado, hindi niya hinalay ang mga biktima at ang tanging ginawa niya ay imaneho ang sasakyan dahil tinutukan din siya ng baril ni Lorenzo.
Kasunod nito ay nakumbinsi ng mga operatiba ng CIDU si Turado na ituro kung saan itinapon ang mga gamit na kanilang kinulimbat sa dalawang pasahero.
Bago isakay sa mobile patrol ang suspek ay nakiusap ito na ilipat sa harapan ang kanyang posas mula sa likuran dahil masakit na ang kanyang kamay at hindi na rin makagalaw dahil sa tinamong bugbog mula sa taumbayan.
Pinagbigyan naman ng mga pulis escort ang kahilingan ni Turado subalit habang binabagtas nila ang kahabaan ng Commonwealth, Tandang Sora patungo sa lugar kung saan umano itinapon ng mga ito ang mga gamit ng mga biktima ay sinubukan nitong agawan ng baril ang isa sa mga awtoridad na naging dahilan upang barilin ito.
Sinubukan pang dalhin sa East Avenue Medical Center ang suspek ngunit idineklara itong dead-on-arrival bandang alas-4 ng madaling araw.
Nasawi si Turado sa isang tama ng bala sa dibdib at leeg.
Samantala, lumutang din sa CIDU ang dalawang babae na itinago sa pangalang ‘Babe’ at Marie at positibong itinuro si Lorenzo na nangholdap sa kanila.
Ayon kay QCPD Director P/Chief Supt. Edgardo Tinio, ikinokonsidera nila na case close na ang nangyaring panghoholdap at panghahalay sa dalawang biktima kasunod ng pagkakahuli kay Lorenzo at pagkakapatay kay Turado.





Ang aktwal na pagsagip ng mga pulis at opisyal ng barangay sa UV rape suspect na si Alfie Turado mula sa mga galit na taumbayan na nanggulpi rito matapos siyang mamataan na umuwi sa kanyang inuupahang bahay sa Rolling Road, Brgy. Obrero, Quezon City. Kuha ang larawan, ilang oras bago napatay si Turado habang sakay ng mobile ng pulis.

No comments:

Post a Comment