Saturday, June 4, 2016

BATA, BATA, BAKIT SA INYO GINAWA?


"For children are innocent and love justice, while most of us are wicked and naturally prefer mercy.” 
― G.K. Chesterton

Responsibilidad ng bawat magulang ang kanilang mga anak.
Ngunit habang may mga magulang na handang magsakripisyo at itaya ang kanilang buhay kung kinakailangan para sa mga anak na minamahal, mayroon ding mga tila nakakalimot kung ano ang tunay na kahulugan ng pagiging magulang.
Nagkakaisa ngayon ang mga kapitbahay sa pagbunton ng sisi sa isang mag-asawa matapos masunog ang kanilang bahay, kasama ang dalawang anak at isang pamangkin.
Nangyari ang trahedya sa Cainta, Rizal kahapon ng madaling araw.
Mistulang mga uling na nang matagpuan mula sa labi ng kanilang natupok na bahay ang magkapatid na Kevin, 6-anyos at Miko Espinosa, 14-anyos, gayundin ang kanilang dalawang taong gulang na pinsan na si Coleen.
Sa ulat ni SP01 Jeffrey Azueta, may hawak ng kaso, alas-10:30 ng gabi nangyari ang sunog at naapula ito ng mga bumbero dakong 1:40 ng madaling araw at nadamay ang may 57 pang kabahayan.
Base sa sumbong ng mga kapitbahay, umalis ang mag-asawang Espinosa at ikinandado ang kanilang bahay sa Bagong Silang St., Apple 2 Village, Brgy. San Juan habang mahimbing na natutulog ang mga bata sa loob.
Hindi umano iyon ang unang pagkakataon na ikinandado ng mag-asawa ang kanilang mga anak sa loob ng kanilang bahay.
At ang dahilan ng kanilang madalas na pag-alis ng bahay..... ay ang magsugal.
Ayon pa sa mga kapitbahay, naputulan ng kuryente ang mga Espinosa dahil hindi nakababayad. Hindi lang anila basta pinutulan kundi tinanggalan na ng mismong kuntador ang pamilya dahil umaabot sa halos P9,000 ang bill ng mga ito na hindi nababayaran.
Dahil dito, tanging kandila ang nagsisilbing liwanag sa tahanan ng mga Espinosa sa tuwing sasapit ang gabi. Kandila na madalas pagmulan ng sunog. Peligrong anomang oras ay maaaring sapitin ng kanilang mga anak.
 Sa kabila nito, tila hindi inalintana ng mag-asawa ang kalagayan ng kanilang mga anak at musmos na pamangkin kaya nagagawa pa ring lumabas sa gabi at magbabad sa mga sugalan. Katwiran nila, kapag naka-jackpot sila ay mababayaran nila ang Meralco at makapagpapakabit muli ng kuryente. Hindi na sila muling gagamit ng kandila.
Ngunit nang gabing iyon ng Biyernes, habang abala sa pagsipat sa kanilang baraha ang mag-asawa, naganap ang pinangangambahang panganib ng mga kapitbahay.
Natumba ang iniwang kandila ng mag-asawang Espinosa... nadikit sa kurtina...at nagsimulang lumaki ang apoy.
Kumapit na ang apoy sa dingding ng tahanan ng mga Espinosa...Mabilis lumaki ang apoy... nagngangalit. Ang maalinsangang paligid dulot ng init ng panahon ay halos na-triple. Ilang kapitbahay ang nagulantang nang makitang nagliliyab ang bahay ng mga Espinosa.
Nagsigawan...nagpanakbuhan. Taranta ang magkakapitbahay at marami ang agad nagsipagbitbit ng kani-kanilang gamit at nagtungo sa ligtas na lugar.
Wala nang nakapansin kung nagising pa ba ang mga biktima habang nilalamon ng apoy ang kanilang bahay. Ang tanging alam nila, nang maapula ang apoy doon na nakita ang mga bata.
Hiling nila na sana ay hindi nagising ang mga ito. Mula sa mahimbing na pagtulog ay na-suffocate sa makapal na usok... At tuluyang naglakbay patungo sa kabilang buhay. Hindi sana nila naramdaman nang kumapit sa kanilang mga katawan ang apoy.
Nang malaman ng mag-asawang Lilia, 44 at Larry Espinosa ang sinapit ng kanilang mga anak, tumakas si Larry.
Hawak na ng pulisya ang inang si Lilia. Tuliro ang isip nito at tila hindi makapaniwala sa sinapit na trahedya. Nagsisisi ba siya? Magsisi man, wala na ang dalawang anak at pamangkin niya. Hindi na muling babalik. Hindi na mababago ang pangyayari.
Marahil naiisip niya ngayon na sana ay hindi na sila lumabas ng bahay at nagsugal...

No comments:

Post a Comment