Iniutos na ng mga awtoridad sa Pilipinas ang malawakang pagtugis sa isang Pinay na umano’y nangangalap ng aplikante na pinapangakuan nito ng magandang trabaho sa ibang bansa, iyon pala ay pagbibitbitin nito ng droga mula sa Cambodia patungong Malaysia.
Nabuking ang modus operandi ng suspek na si Evelyn Velasquez, residente ng 369-A Cristobal St., Tondo nang makatakas ang kanya mismong pamangkin na tinangka niyang biktimahin.
Sa salaysay sa tanggapan ng Manila Police District-Children and Women Protection Unit ng 23anyos na dalaga na hindi binanggit ang pangalan, tumakas siya nang matunugan na gagawin siyang courier ng Ecstasy ng kanyang tiyahin.
Ayon sa dalaga, ang kanya umanong tiyahin na si Velasquez ang nag-recruit sa kanya patungong Malaysia at pinangakuan ng magandang trabaho. Napilitan ang dalaga na mag-resign sa kanyang trabaho at nagtiwala dahil kapatid ito ng kanyang ina.
Pagdating umano sa Malaysia, dinala siya sa isang hotel sa Cambodia at saka sinabihan na lalagyan ng droga ang maleta niya at kanya itong idedeliber sa kliyente. Sa takot ng dalaga ay agad siyang nagtungo sa Consul ng Cambodia at ipinagtapat na biktima siya ng Illegal Recruitment.
Dahil sa mabilis na paghingi ng tulong ng dalaga ay nasagip ito at nakauwi ng bansa. Dito na siya dumulog sa mga awtoridad matapos hindi na niya makontak ang tiyahin at kahit text ay hindi na ito sumasagot sa kanya.
Ikinokonsidera na ngayon ng mga awtoridad ang pag-aresto sa suspek.
No comments:
Post a Comment