Saturday, June 4, 2016
Mahal ko, pinatay ko
Gaano katinding galit ang posibleng mag-udyok sa isang tao para brutal na patayin ang kanyang minamahal?
Ito ang inaalam ngayon ng mga awtoridad matapos matuklasan ang bangkay ng isang transgender na pinagsasaksak ng kanyang ka-live-in saka isinilid sa malaking maleta at itinapon sa CAVITEX, Brgy. Zapote 5, Longos, Bacoor City, Cavite.
Nasa kustodiya naman ng pulisya ang suspek na kinilalang si Jayson Santos Lee na pinaniniwalaang lover ng napatay.
Ayon sa Pasay City Police, dakong alas-4 ng madaling araw kanina nang maganap ang malagim na krimen sa Unit 1154, Tower D, Shell Residences, EDSA Extension, Brgy. 76 ng naturang siyudad na tinutuluyan ni Lee.
Naunang inaresto si Lee bago natuklasan ang bangkay sa maleta sa Cavite.
Pinagdudahan si Lee matapos magsumbong ang security guard ng kanyang tinutuluyang condominium na nakakita sa mga patak ng dugo sa kanyang unit.
Ayon sa security OIC na si Noli Manlolo, nagro-roving siya sa 11th floor ng naturang condominium nang mapansin na bahagyang bukas ang pinto ng unit ni Lee kaya’t ilang beses itong tumawag kung may tao sa loob. Dahil walang sumasagot sa kanyang tawag, pumasok si Manlolo at nagulantang siya nang makita ang mga dugo sa naturang unit.
Agad nitong ipagbigay-alam sa pamunuan ng condominium at mga awtoridad ang kanyang natuklasan.
Sa pag-iimbestiga ng pulisya at management ng condo, ni-review nila ang kuha ng CCTV camera at nakita na alas-9:28 ng gabi nang pumasok ang tenant na si Lee at kasama nito ang umano’y kinakasamang transwoman na nakilalang si John Leo Tababa na kilala rin sa pangalang Robert William Reilly.
Alas-10:58 ng gabi ng nasabi ring petsa ay lumabas ang dalawa at bumalik ng alas-11:40 ng gabi.
Alas-12:54 ng madaling araw, nagsimula nang mag-impake si Lee at base sa kuha ng CCTV, hirap na hirap ito at tila hindi makayanang buhatin ang kanyang luggage bags at hindi na nito kasama si Tababa.
Alas-9:30 ng umaga, natagpuan ang bangkay sa Coastal area sa CAVITEX, Bacoor City.
Ang hindi pa nakikilalang biktima na pinaniniwalaang babae ay inilarawan na maputi ang balat, nakasuot ng blouse, maong short at kuwintas na may Hello Kitty pendant.
Diumano, isang barangay tanod ang nakakita sa maleta na itinapon sa highway. Dahil bukas ang maleta ay inusisa ito ng tanod at nagimbal ito nang makitang patay na tao ang nasa loob.
Patuloy pa ang pagsisiyasat ng mga awtoridad upang matiyak na ang nawawalang si Tababa at ang babaeng nakita sa maleta ay iisa.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment