Ikinatuwa ng Simbahang Katoliko ang pagbibigay ng Emir ng Qatar ng pardon sa 15 detenidong overseas Filipino workers (OFWs) sa naturang bansa.
Ayon kay Balanga Bishop Ruperto Santos, chairman ng Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People, ng Catholic Bishops' Conference of the Philippines (CBCP), nagpapasalamat ang simbahan kay Emir, Sheikh Tamim bin Hamad, dahil sa pagbibigay nito ng reprieve sa mga naturang OFWs na nakabilanggo dahil sa iba’t ibang kaso.
“We are appreciative to the kind gestures of the kingdom of Qatar,” pahayag ni Santos.
Kaugnay nito, sinabi ni Santos na dapat na protektahan ng pamahalaan ang mga OFWs at bigyang-halaga ang kanilang mga sakripisyo at mga serbisyo para mabigyan ang kanilang pamilya ng mabuting buhay.
Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), ang pardon ay inisyu kasabay ng paggunita ng Ramadan.
Nabatid na dalawang beses sa isang taon kung magbigay ng pardon ang Emir at kabilang dito ang buwan ng Ramadan at Qatari National Day tuwing Disyembre.
Ang mga binibigyan umano ng clemency sa naturang bansa ay yaong nakapagsilbi na ng matagal sa kanilang sentensiya.
Noong nakaraang taon, 22 bilanggong Pinoy ang nabigyan ng Emir ng pardon.
No comments:
Post a Comment