Saturday, June 11, 2016

PINAS MAY PINAKAMALALA PA RING CRIME RATE SA MUNDO

Umabot na sa mahigit 35 porsiyento ang crime rate ng Pilipinas o pinakamataas sa may top 30 na bansa na may malalang criminal rate.
Kasunod ng nakaaalarmang survey na ito ay inihayag ni Quezon City Rep. Alfred Vargas na muli niyang ihahain ang kanyang panukalang pagkakaroon ng maayos na crime database sa bansa na aniya’y malaking tulong upang maresolba ang kriminalidad sa bansa.
Naniniwala ang mambabatas na magiging positibo kay president-elect Rodrigo Duterte ang kanyang panukala lalo pa at pangunahing adbokasiya ng administrasyon nito ay sugpuin ang talamak na iligal na droga na nagdudulot ng iba’t ibang krimen sa bansa.
“The crime index of the Philippines is marked at 35.18%. While the Philippine National Police and the National Bureau of Investigation are capable, they are limited in the capacity to respond and assist victims of crime due to lack of essential equipment.”
 Ang House Bill 6480 ay muling ihahain ng mambabatas sa 17th Congress na ang pangunahing layunin ay maitatag ang national crime database para sa monitoring at listahan ng mga reported crimes sa bansa.
Ang database aniya ay magpapadali upang makakuha ng konkreto, kumpleto at tugmang impormasyon ng biktima at suspek, missing persons, pugante, maging ang mga  ninakaw na bagay o pag-aari at tukuyin ang mga terorista.
Ang national crime database na lilikhain ay ibabatay sa National Crime Information Center ng Estados Unidos at bubuo rin ng National Crime Database Council na siyang may otoridad para sa paglalatag ng rules and procedures.
Sa ganitong paraan ay mas magiging epektibo ang mga law enforcers sa pagpapatupad ng batas at pagbibigay proteksyon sa taumbayan.

No comments:

Post a Comment