Monday, June 20, 2016

7 carnappers patay sa tropa ng veteran Davao crimefighter

NAGSILBING ‘opening salvo’ ng bagong talagang Police Region 3 director ang pagkakapatay ng kanyang mga tauhan sa pito na hinihinalang karnaper matapos tangkain ng mga itong takasan ang checkpoint sa magkahiwalay na lugar sa  bayan ng Angeles, lalawigan ng Pampanga.
Ayon kay P/Chief Supt. Aaron Aquino, regional director ng Region 3, ang mga napatay ay miyembro ng Jimboy Santos carnapping group na nag-o-operate sa nasabing rehiyon ngunit patuloy pang inaalam ang pangalan ng mga ito.
Base sa ulat, dakong 10:30 ng umaga nang maganap ang shootout sa lugar ng EPZA sa Pulung Cacutud, Angeles City at Barangay San Juan ng nasabing bayan.
Napag-alaman na sa EPZA, dalawa sa mga suspek na nakasakay ng Mitsubishi Montero na may plakang  PQC 877 ang nasawi habang sa lugar naman ng Barangay San Juan, apat na sakay ng Mitsubishi Adventure ang napatay.
Sa pahayag ni Aquino, nakatanggap sila ng intelligence report na muling mambibiktima ang grupo at ang Seatex Industries ang kanilang balak pasukin.
Dahil dito, agad na pinagplanuhan ng Pampapaga PNP ang gagawing operasyon laban sa grupo upang madakip subalit lumaban ang mga ito na naging sanhi ng kanilang kamatayan.
Kalaunan, kinumpirma ni Aquino na isa sa mga napatay ay si Jimboy Santos na siyang lider ng grupo.
Samantala, nagulantang naman ang mga pulis at mga mamamahayag nang biglang may nagsisigaw na tao sa ilalim ng Adventure na humihingi ng tulong na napag-alamang isa sa mga suspek na posibleng nagtago sa gitna ng putukan. Isinasailalim na ito ngayon sa masusing imbestigasyon.
Si Aquino ay kauupo lamang bilang director ng Region 3 at dating PRO11 deputy regional director for administration na isang beteranong crimefighter sa Davao City.

No comments:

Post a Comment