Tuesday, June 21, 2016

SEX IN THE CITY


KAWALAN ng pag-asa ang isa sa mga dahilan kaya nabubuyo ang ilang babae na pumasok sa prostitusyon o magpakita ng katawan para kumita ng salapi.
Madaling kumita sa ganitong paraan. Kailangang kumita agad para sa araw-araw na pangangailangan. Iyan ang tugon ng iba.
Nagmamadali.
Pero ang iba ay luho ang dahilan. Ang iba ay inggit ang nag-uudyok. Bakit? Kailangang maging "in" sa mga gamit. Dapat maging trendsetter at hindi masapawan. Diyan madaling kumita kaya sa ganyang paraan din nila masusunod ang luho ng katawan. Ano nga bang silbi ng kanilang ganda kung hindi mapapaganda pang lalo. Pano yung pambili ng mamahaling pabango, damit, kolorete at pagpunta sa mga happenings at gimik?
Inggit! Ba't mayroon ang iba na wala ako? Sila lang ba ang may karapatang maging masaya at guminhawa at masunod ang gustong gawin at bilhin? Ang mga patagong tanong ay inihahanap nila ng mabilis na tugon - at ang pagbebenta at paghuhubad ang napagbabalingan. Iyan ang tugon, para sa kanila.
Ngunit, may mga dramatiko at madamdaming dahilan. Makabagbag-damdaming kuwento ng mga babaeng nasadlak sa lusak para mahango sa kahirapan ang kanilang pamilya.
Iyan ang tunay na bersyon ng dala-sa-pilit at kapit sa patalim na paglusong ng ibang babae sa putikan ng kamunduhan.
Ngunit hindi pa rin iyan ang wagas na dahilan.
Maling desisyon.
Ang iba ay rebelde. Hindi makaramdam ng pagmamahal sa mga magulang kaya naghanap ng ibang kalinga. Pagpapabaya ng mga magulang ang dahilan. Hangal na katwiran.
May bersyon din ng naanakan ng boyfriend ngunit tinakasan, at upang mabuhay ang anak ay sa kasa o beerhouse napunta.
Kailangan bang intindihin at bigyan ng katwiran ang mga dahilan o dapat lang na tanggapin dahil sila ay parte ng entablado ng aliwan?
Hindi nga mawawala ang ganyang klaseng trabaho pero hindi dapat maging pangunahing atraksyon iyan sa mga babaeng binigyan lang ng konting ganda ng mukha at katawan ay magdedesisyon nang pumasok dahil may "K" sila.
Maling pananaw. Wala sa katwiran.
Sistema nga ba ang dahilan kaya ang ibang babae ay nasa lansangan at nagpapahagip sa mga ganid sa laman?
Sistema na ba na ang isang batambatang babae na maganda ay bibihisan ng magulang upang papasukin sa club?
Habang umiikot ang mundo at habang sumisikat at lumulubog ang araw ay maraming kuwestyon ang kasama ng sirkulong ito kaya dapat na lang bang tanggapin ang katotohanang andiyan na yan?
Sistema!
Ano sa inyo??

Monday, June 20, 2016

WHAT TO DO WITH COLORUM PUVs? ... BURN 'EM

Sunugin ang mga kokirum na sasakyan dahil ito ang nagpapasikip ng daloy ng trapiko sa Metro Manila.
Ito ang biro ni dating MMDA Chairman at ngayon ay Marikina Congressman-elect Bayani Fernando nang makausap ng media habang nagsasagawa ng orientation sa Malaking Kapulungan ng Kongreso.
Pagbibiro pa nito na kung pwede nga lang sanang sunugin na agad ang lahat ng mga mahuhuling kolorum na unit para mabawasan ang mga ito.
Sa pagbubukas aniya ng 17th Congress ay kanyang isusulong ang pagpapabigat sa parusa sa mga mahuhuling kolorum na sasakyan.
Isa rito ang pagtataas ng multa sa mga sasakyang iligal na namamasada para malugi ang mga operator ng kolorum.
Masyado aniyang magaan ang multa sa mga kolorum kaya maraming operators ang sumusugal kahit nahuhuli ang kanilang units paminsan-minsan.
Ang kailangan aniya ay madala na ang mga salarin sa unang violation pa lang.
Sa pangalawa ay dapat nang malugi ang mga operator ng iligal na namamasada.
Kailangang kalahati aniya ng halaga ng sasakyan ang multang ipataw sa mga kolorum operator.

7 carnappers patay sa tropa ng veteran Davao crimefighter

NAGSILBING ‘opening salvo’ ng bagong talagang Police Region 3 director ang pagkakapatay ng kanyang mga tauhan sa pito na hinihinalang karnaper matapos tangkain ng mga itong takasan ang checkpoint sa magkahiwalay na lugar sa  bayan ng Angeles, lalawigan ng Pampanga.
Ayon kay P/Chief Supt. Aaron Aquino, regional director ng Region 3, ang mga napatay ay miyembro ng Jimboy Santos carnapping group na nag-o-operate sa nasabing rehiyon ngunit patuloy pang inaalam ang pangalan ng mga ito.
Base sa ulat, dakong 10:30 ng umaga nang maganap ang shootout sa lugar ng EPZA sa Pulung Cacutud, Angeles City at Barangay San Juan ng nasabing bayan.
Napag-alaman na sa EPZA, dalawa sa mga suspek na nakasakay ng Mitsubishi Montero na may plakang  PQC 877 ang nasawi habang sa lugar naman ng Barangay San Juan, apat na sakay ng Mitsubishi Adventure ang napatay.
Sa pahayag ni Aquino, nakatanggap sila ng intelligence report na muling mambibiktima ang grupo at ang Seatex Industries ang kanilang balak pasukin.
Dahil dito, agad na pinagplanuhan ng Pampapaga PNP ang gagawing operasyon laban sa grupo upang madakip subalit lumaban ang mga ito na naging sanhi ng kanilang kamatayan.
Kalaunan, kinumpirma ni Aquino na isa sa mga napatay ay si Jimboy Santos na siyang lider ng grupo.
Samantala, nagulantang naman ang mga pulis at mga mamamahayag nang biglang may nagsisigaw na tao sa ilalim ng Adventure na humihingi ng tulong na napag-alamang isa sa mga suspek na posibleng nagtago sa gitna ng putukan. Isinasailalim na ito ngayon sa masusing imbestigasyon.
Si Aquino ay kauupo lamang bilang director ng Region 3 at dating PRO11 deputy regional director for administration na isang beteranong crimefighter sa Davao City.

Obispo pinapili: P10 milyon o ibubulgar ko ang relasyon ko sa pari?

Kulungan ang binagsakan ng isang nurse nang ipaaresto ng obispo na kanyang tinangkang kikilan matapos bantaang ibubulgar ang kanya umanong affair sa isang pari sa lalawigan ng Sorsogon.
Nakapiit ngayon sa detention cell ng Sorsogon-PNP at nahaharap sa kasong robbery extortion ang suspek na si Leo Funtanares, 26, residente ng naturang lugar.
Kwento ni Bishop Arturo Mandin Bastes, nagtungo sa kanyang tanggapan si Funta-nares noong Mayo 3, 2016, at inamin ang relasyon umano nito sa isa sa mga pari na nasa ilalim ng hurisdiksyon ng una. Pakay ng suspek na humingi ng tulong upang matigil na ang relasyon nila ng pari.
Ngunit pagdating ng Mayo 13, 2016, nabigla umano ang obispo nang hingan na siya ng P10 milyon ng suspek at pinagbantaan pa siya na isasapubliko ang relasyon nila ng hindi pinangalanang pari.
Makalipas ang halos 11 araw ay bumalik si Funtanares at sinabing binawasan na niya ang kanyang hinihingi sa obispo at ginawa na lamang itong P5 milyon. Dahil sa pamimilit ng suspek, binigyan ito ni Bishop Bastes ng P25,000 at sinabihan na bumalik sa kanyang opisina makaraan ang dalawang linggo para sa ikalawang installment.
Lingid sa kaalaman ng suspek, nakipag-ugnayan si Bastes sa mga awtoridad at agad isinagawa ang entrapment operation.
Nakumpiska sa suspek ang isang puting sobre na nag-lalaman ng perang nagkakahalaga ng P25,000 at ang acknowledgement receipt na pirmado pa ni Funtanares na may petsang Hunyo 1 at Hunyo 17, 2016.
Matapos nito, dinala sa nasabing himpilan ng pulisya ang suspek at sinampahan ng kaukulang kaso.

Friday, June 17, 2016

5-ANYOS NASUNOG HABANG SINA MOMMY AT DADDY NASA PARTY


Habang nagsasaya ang mag-asawa sa birthday party ng isa nilang kapitbahay, wala silang kamalay-malay na nilalamon na ng apoy ang kanilang bahay at kasamang natupok ang bunso nilang anak sa bayan ng Maasim, Sarangani.
Nagmistulang uling ang 5-anyos na si Jerson Mariola na natagpuan matapos masunog ang kanilang bahay sa Seven Hills sa nasabing bayan. Sugatan naman ang kapatid nitong si Genelyn Mariola.
Sa imbestigasyon ng pulisya, pinatulog muna ng mag-asawang Johnny at Ailyn Mariola ang bunsong si Jerson saka binilinan ang mga nakatatandang anak na sina Genelyn at John Rey na huwag iiwan ang kanilang kapatid habang nasa party sila.
Habang nasa sala umano at nanonood ng telebisyon ang magkapatid na Genelyn at John Rey pasado alas-8 ng gabi nang mapansin nilang nagliliyab ang isang bahagi ng kanilang bahay.
Nahintakutan ang magkapatid kaya tumakbo patungo sa bintana at tumalon. Sa kanilang pagtalon ay nasugatan at nabalian si Genelyn. Nasa labas na ng bahay ang dalawa nang maalala ang natutulog na bunso.
Agad humingi ng tulong ang magkapatid ngunit dahil yari sa light materials ang kanilang bahay ay mabilis itong nilamon ng apoy.
Hindi pa natutukoy kung bakit nasunog ang tahanan ng mga Mariola.

GINILITAN NANG NAKAGAPOS

CABANATUAN CITY-Kalunos-lunos ang sinapit na kamatayan ng isang lalaki matapos igapos na parang baboy at gilitan ng leeg sa pagitan ng Garcia at Diaz St., Brgy. Aduas Centro, kamakalawa.
Sa ulat mula kay P/Sr. Supt. Manuel E. Cornel, Provincial director, Nueva Ecija Provincial Police Office (NEPPO), halos humiwalay ang ulo ng biktimang si Jimbo Ponce y Cauyao, 30, may asawa, tricycle driver, residente ng Purok 2, Brgy. Vijandre, Cabanatuan City.
Sa imbestigasyon ni PO3 Jessie Fernando, may hawak ng kaso, lumabas na dakong alas-6:30 ng umaga nang matagpuan ng mga residente ang bangkay ng biktima na nakalupasay sa bakanteng lote sa nasabing lugar.
Bakas sa biktima na dumanas ito ng pahirap sa kamay ng mga hindi pa nakikilalang salarin.
Nabatid na nakatali ng electrical wire ang mga kamay ng biktima at nakagapos naman ng scotch tape ang mga paa nito. Ilang hiblang litid na lamang ang nag-uugnay sa ulo nito at katawan dahil sa tindi ng pagkakalaslas dito.
Ang mga labi ng biktima ay pansamantalang inilagak sa Santos Funeral Homes para sa awtopsiya. Magkatuwang naman sa pag-iimbestiga ang Cabanatuan City Police Station (CCPS) at Scene of the Crime Operatives (SOCO) para sa pagresolba sa kaso.

UV RAPE SUSPECT NAPATAY

Hindi na sinikatan ng araw ang isa sa mga suspek sa panghahalay sa dalawa nilang pasahero sa UV van matapos itong barilin ng pulis nang tangkain umanong mang-agaw ng baril habang lulan sila ng mobile car kahapon ng madaling araw sa Quezon City.
Kinilala P/Supt. Rodel Marcelo, hepe ng Criminal Investigation Unit (CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD) ang suspek na si Alfie ‘Buddy’ Turado.
Base sa ulat, dakong 2:00 ng madaling araw nang mamataan ng mga residente ng Barangay Obrero ang suspek kaya kinuyog nila ito.
Agad namang naalerto ang mga opisyal ng barangay sa kaguluhan at sa kanilang pagresponde ay nasagip si Turado sa mga galit na residente saka dinala sa Kampo Karingal sa opisina ng CIDU para maimbestigahan.
Dito na iniharap si Turado sa naunang nadakip na si Wilfredo Lorenzo ngunit nagturuan ang mga ito kung sino ang humalay sa dalawang dalagang pasahero nila. Giit ni Turado, hindi niya hinalay ang mga biktima at ang tanging ginawa niya ay imaneho ang sasakyan dahil tinutukan din siya ng baril ni Lorenzo.
Kasunod nito ay nakumbinsi ng mga operatiba ng CIDU si Turado na ituro kung saan itinapon ang mga gamit na kanilang kinulimbat sa dalawang pasahero.
Bago isakay sa mobile patrol ang suspek ay nakiusap ito na ilipat sa harapan ang kanyang posas mula sa likuran dahil masakit na ang kanyang kamay at hindi na rin makagalaw dahil sa tinamong bugbog mula sa taumbayan.
Pinagbigyan naman ng mga pulis escort ang kahilingan ni Turado subalit habang binabagtas nila ang kahabaan ng Commonwealth, Tandang Sora patungo sa lugar kung saan umano itinapon ng mga ito ang mga gamit ng mga biktima ay sinubukan nitong agawan ng baril ang isa sa mga awtoridad na naging dahilan upang barilin ito.
Sinubukan pang dalhin sa East Avenue Medical Center ang suspek ngunit idineklara itong dead-on-arrival bandang alas-4 ng madaling araw.
Nasawi si Turado sa isang tama ng bala sa dibdib at leeg.
Samantala, lumutang din sa CIDU ang dalawang babae na itinago sa pangalang ‘Babe’ at Marie at positibong itinuro si Lorenzo na nangholdap sa kanila.
Ayon kay QCPD Director P/Chief Supt. Edgardo Tinio, ikinokonsidera nila na case close na ang nangyaring panghoholdap at panghahalay sa dalawang biktima kasunod ng pagkakahuli kay Lorenzo at pagkakapatay kay Turado.





Ang aktwal na pagsagip ng mga pulis at opisyal ng barangay sa UV rape suspect na si Alfie Turado mula sa mga galit na taumbayan na nanggulpi rito matapos siyang mamataan na umuwi sa kanyang inuupahang bahay sa Rolling Road, Brgy. Obrero, Quezon City. Kuha ang larawan, ilang oras bago napatay si Turado habang sakay ng mobile ng pulis.