HINIKAYAT ng kampo ni president-elect Rodrigo Duterte si Senadora Miriam Defensor-Santiago na mag-concede na upang mapadali ang pagpoproklama sa susunod na pangulo.
Sa isang press conference sa Kamara, sinabi ni Atty. Salvador Panelo, incoming presidential spokesman na makabubuting i-waive na rin ni Santiago ang posibilidad ng paghahabol o protesta.
Aniya, sina Senador Grace Poe, Vice President Jejomar Binay at Mar Roxas ay nagpahayag na rin umano ng kahandaan na lumagda sa isang waiver na magpapatunay ng kanilang pagtanggap ng pagkatalo kay president-elect Rodrigo Duterte.
“Ang tingin namin pag si (Senator) Miriam Defensor-Santiago would concede, madadali ang proklamasyon ni Presidente Duterte. Sapagkat hindi na kailangang magkaroon ng canvassing kung iyong apat ay nagsasabing ito na ang panalo,” sinabi ni Panelo.
Pangamba ng kampo ni Duterte ay tumagal ang proklamasyon dahil sa rami ng protesta o nakikitang discrepancies ng kampo ni Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.
Higit na pinangangambahan ni Panelo ay kung dumating ang June 30 at walang naipoproklamang panalo ay walang uupong presidente pagpasok ng July.
No comments:
Post a Comment