Ang mga bilanggong matatanda at may sakit ang dapat maging prayoridad ni incoming President Rodrigo Duterte sa halip na ang mga political prisoner.
Ang pahayag ni Rodolfo Diamante, executive secretary ng Episcopal Commission on Prison Pastoral Care, ng Catholic Bishops' Conference of the Philippines (CBCP), ay kasunod ng ulat na balak ni Duterte na palayain ang lahat ng political prisoners sa bansa.
Ayon kay Diamante, mistulang pinalalabas lamang ni Duterte na mayroon itong political debt sa makakaliwang grupo na sumuporta sa kanyang kandidatura.
Sinabi ni Diamante na kung mayroon mang dapat na unahing palayain sa bilangguan si Duterte, ito ay ang mga bilanggong may sakit, matatanda at wala nang bumibisita sa kulungan.
Nanawagan din si Diamante sa bagong pangulo na unahin ang mga bilanggong higit na nangangailangan na makalabas ng kulungan para hindi makulayan si Duterte.
Una nang inamin ni Duterte na sinuportahan ng rebeldeng grupo ang kanyang kandidatura.
Nabatid na mayroon nang listahan ang Bureau of Board and Parole ng mga bilanggong dapat nang mapalaya ngunit hindi ito nilagdaan ni outgoing Pres. Aquino.
No comments:
Post a Comment