Monday, May 30, 2016

AGAW-ATENSYON SA PROKLAMASYON

SA gitna ng proklamasyon sa bagong halal na Pangulong si Rodrigo Duterte at Pangalawang Pangulo Leni Robredo, ilang personalidad ang agaw-eksena.
Muntik nang bitbitin palabas ng plenaryo ng House security si Northern Samar Rep. Harlin Abayon na nagreklamo sa gitna ng proklamasyon.
Bago aprubahan ang House Resolution No. 1 na nagsusulong sa proklamasyon ay tumayo sa plenaryo si Abayon upang kwestyunin kung bakit hindi siya tinawag sa nagdaang rollcall gayung hindi pa naman aniya nababaklas ang kanyang pangalan sa House roll.
Giit ni Abayon, ang katunggali nitong si dating Congressman Raul Daza ang tinawag sa roll call gayung andun lamang siya sa kanyang opisina.
Dahil nagtaas ng boses sa plenaryo ay agad ipinag-utos ni House Majority Leader Neptali Gonzales II na bitbitin si Abayon palabas dahil sa pagiging “out of order” nito.
Ayon sa ulat, si Daza ang pinaboran ng House of Representatives Electoral Tribunal (HRET) nang magprotesta ito sa pagsasabing dinaya siya ni Abayon.
At nitong Marso ay nagdesisyon na ang HRET na patalsikin si Abayon sa pwesto upang makaupo naman si Daza.
Natapos ang proklamasyon na hindi na nailabas si Abayon matapos itong kausapin ng House leadership.
Umagaw din ng atensyon si ABAKADA Rep. Jonathan dela Cruz nang sa kanyang privilege speech ay ibinunyag niya ang diumano’y mga dayaan sa nagdaang eleksyon na ikinatalo ni Senador Bongbong Marcos.
Binigyan ng limang minuto si Dela Cruz para sa kanyang privilege speech ngunit ito ay tumagal pa ng mga 10 minuto.
-0-
Hindi nga sinipot ni Duterte ang proklamasyon, sa halip, ay ang kanyang kinatawan na si Atty. Vitaliano Aguirre na siya ring uupong kalihim ng Department of Justice.
Bago ang proklamasyon ay unang inaprubahan ng Senado at mga kongresista ang Joint Resolution No. 1 na nagkukumpirma sa naging resulta ng canvassing kung saan ang mga senador at kongresista ang tumayong National Board of Canvassers.
Sa halip na alas 3:00 ang proklamasyon ay naging 4:09 ng hapon dahil hindi naman agad nakapagsimula ng alas 2:00 ang joint session bunga ng kawalan ng korum.
Sa simula pa lamang ng joint session ay nasa session hall na si Robredo na naka-bestida lamang ng kulay itim at brown.
Samantalang hanggang sa huling sandali ay umaasa ang mga mambabatas na darating si Duterte.
Magkagayunman, binasa pa rin nina Senate President Franklin Drilon at House Speaker Feliciano Belmonte, Jr. ang pagbati sa bagong pangulo ng bansa.
Ganap na alas-4:45 ng hapon nang maitaas ang kamay ni Robredo nina Drilon at Belmonte.
Ang regular na session ay magbabalik sa Lunes, June 6, 2016 hanggang sa June 10 kung saan adjournment sine die at ang balik nito ay sa July 25 para simulan ang 17th Congress.

No comments:

Post a Comment