Monday, May 30, 2016

TUMIKIM NG SARIWANG LAMAN BAGO HUMARAP KAY KAMATAYAN

KAKAIBANG kwento ang ibinahagi ng pulisya sa lungsod ng Baguio kaugnay ng isang taxi driver na natagpuang nakabitin matapos umanong paulit-ulit na halayin ang Haponesa na kanyang huling naisakay.
Pinaniniwalaang nagbigti ang 26-anyos na taxi driver, may-asawa at tubong Benguet na hindi na pinangalanan ng mga awtoridad upang mapangalagaan ang karapatan ng kanyang mga naulila.
Base sa pagsisiyasat ng pulisya, bago natuklasan ang pagpapatiwakal ay nagrekamo ang 21-anyos na estudyanteng Japanese national, pansamantalang naninirahan sa Baguio City, laban sa taxi driver na humalay umano sa kanya.
Kuwento ng Haponesa, sumakay siya at ang kanyang kaibigan sa taxi na minamaneho ng suspek mula sa isang bar sa lungsod ng Baguio at unang nagpahatid ang kanyang kaibigan sa Barangay Gibraltar saka siya nagpahatid sa Bakakeng Central.
 Subalit nagulat ang dalaga nang sa Suello Village siya dinala ng tsuper at doon ay tinangka siya nitong yakapin at halikan ngunit nanlaban ito kaya ipinagpatuloy ng driver ang pagmamaneho patungo sa isang inn. Hindi naman nagtagumpay ang lalaki na madala sa loob ng inn ang Haponesa dahil nanlaban ito.
Muling pinatakbo ng tsuper ang taxi at sinabi na may kukunin muna siya sa kanyang bahay bago niya ihatid ang dalaga ngunit tumuloy sila sa Nova Lodge at dito na tinutukan ng suspek ng kutsilyo ang biktima kaya hindi na ito nakapalag.
Sa isang kwarto ng lodge humantong ang dalawa at doon ay apat na beses umanong pinagsamantalahan ng tsuper ang biktima. Inabot sila ng maghapon sa naturang inn at nang makaramdam ng pagod ay pinalabas ng tsuper ang dalaga.
Dito na nagkaroon ng pagkakataon ang dalaga na makapagsumbong sa mga awtoridad at agad nilang pinuntahan ang kwartong inokupahan nila ng suspek. Ngunit nang pasukin ng mga pulis ang kwarto ay nadatnan ang suspek na nakabitin sa shower room gamit ang tali ng kanyang sapatos.
May natagpuan ding suicide note sa silid na nagsasabing iuwi ang kanyang bangkay sa Bakun, Benguet.
Nagtataka ngayon ang mga awtoridad kung bakit kinitil ng lalaki ang sariling buhay. Posible rin naman umanong natakot ito na makulong o kaya ay may mabigat itong problema at matagal nang planong magpatiwakal ngunit nagawang mag-enjoy muna sa piling ng magandang Haponesa.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidente. #

AGAW-ATENSYON SA PROKLAMASYON

SA gitna ng proklamasyon sa bagong halal na Pangulong si Rodrigo Duterte at Pangalawang Pangulo Leni Robredo, ilang personalidad ang agaw-eksena.
Muntik nang bitbitin palabas ng plenaryo ng House security si Northern Samar Rep. Harlin Abayon na nagreklamo sa gitna ng proklamasyon.
Bago aprubahan ang House Resolution No. 1 na nagsusulong sa proklamasyon ay tumayo sa plenaryo si Abayon upang kwestyunin kung bakit hindi siya tinawag sa nagdaang rollcall gayung hindi pa naman aniya nababaklas ang kanyang pangalan sa House roll.
Giit ni Abayon, ang katunggali nitong si dating Congressman Raul Daza ang tinawag sa roll call gayung andun lamang siya sa kanyang opisina.
Dahil nagtaas ng boses sa plenaryo ay agad ipinag-utos ni House Majority Leader Neptali Gonzales II na bitbitin si Abayon palabas dahil sa pagiging “out of order” nito.
Ayon sa ulat, si Daza ang pinaboran ng House of Representatives Electoral Tribunal (HRET) nang magprotesta ito sa pagsasabing dinaya siya ni Abayon.
At nitong Marso ay nagdesisyon na ang HRET na patalsikin si Abayon sa pwesto upang makaupo naman si Daza.
Natapos ang proklamasyon na hindi na nailabas si Abayon matapos itong kausapin ng House leadership.
Umagaw din ng atensyon si ABAKADA Rep. Jonathan dela Cruz nang sa kanyang privilege speech ay ibinunyag niya ang diumano’y mga dayaan sa nagdaang eleksyon na ikinatalo ni Senador Bongbong Marcos.
Binigyan ng limang minuto si Dela Cruz para sa kanyang privilege speech ngunit ito ay tumagal pa ng mga 10 minuto.
-0-
Hindi nga sinipot ni Duterte ang proklamasyon, sa halip, ay ang kanyang kinatawan na si Atty. Vitaliano Aguirre na siya ring uupong kalihim ng Department of Justice.
Bago ang proklamasyon ay unang inaprubahan ng Senado at mga kongresista ang Joint Resolution No. 1 na nagkukumpirma sa naging resulta ng canvassing kung saan ang mga senador at kongresista ang tumayong National Board of Canvassers.
Sa halip na alas 3:00 ang proklamasyon ay naging 4:09 ng hapon dahil hindi naman agad nakapagsimula ng alas 2:00 ang joint session bunga ng kawalan ng korum.
Sa simula pa lamang ng joint session ay nasa session hall na si Robredo na naka-bestida lamang ng kulay itim at brown.
Samantalang hanggang sa huling sandali ay umaasa ang mga mambabatas na darating si Duterte.
Magkagayunman, binasa pa rin nina Senate President Franklin Drilon at House Speaker Feliciano Belmonte, Jr. ang pagbati sa bagong pangulo ng bansa.
Ganap na alas-4:45 ng hapon nang maitaas ang kamay ni Robredo nina Drilon at Belmonte.
Ang regular na session ay magbabalik sa Lunes, June 6, 2016 hanggang sa June 10 kung saan adjournment sine die at ang balik nito ay sa July 25 para simulan ang 17th Congress.

Saturday, May 28, 2016

Suspect sa rave concert arestado


IPAGHAHARAP na ng kasong pagbebenta at pagdadala ng iligal na droga sa ilalim ng Comprehensive Dangerous Drugs Act ang naarestong suspek na umano'y siyang nagbenta ng droga sa Close Up Forever Summer concert noong nakaraang linggo sa Pasay City na ikinasawi ng limang manonood.
Kinilala ni NBI-Anti-Illegal Drugs Division chief Atty. Joel Tovera ang naaresto na si Joshua Habalo, 23-anyos.
Nadakip si Habalo sa isinagawang entrapment operation sa Remington Hotel sa Pasay City dakong alas-2:00 ng madaling araw ng pinagsanib na puwersa ng NBI at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Nakumpiskahan si Habalo ng dalawang transparent sachets na naglalaman ng limang pink ecstasy tablets, transparent sachet ng tatlong green capsules na pinaghihinalaang green amore at limang transparent sachets ng cocaine at ang marked money na ginamit sa operasyon.
Sa pagsusuri sa cellphone ni Habalo ay nakita ang video ng Close Up Forever Summer concert.

Nagtakip ng ulo ang suspek na si Joshua Habalo nang iprisinta ng NBI sa media.

Friday, May 27, 2016

DURO SA PALASYO


Aabangan na ng mamamayang Filipino ang tandem na Duterte-Robredo o DU-RO pagpasok ng buwan ng Hulyo matapos silang mamayani sa pagtatapos ng official joint canvassing ng Kongreso bilang National Board of Canvassers.
Ito na ang pinakamabilis na joint canvassing ng Kongreso na umabot lamang ng tatlong araw.
Ang certificate of canvass (COC) ng Northern Samar ang huling ballot box na binuksan kung saan nakumpirma ang malaking paglamang ni president-elect Rodrigo Duterte mula sa kanyang mga katunggali lalo na sa pumapangalawa sa kanya na si Mar Roxas ng Liberal Party.
Batay sa COC mula sa Northern Samar nakakuha si Duterte ng botong 42,157 samantalang si Mar Roxas ay 100,436.
Sa pagka-bise presidente, nakakuha ng botong 111,461 si Naga Rep. Leni Robredo samantalang si Senador Bongbong Marcos ay 73,214.
Sa kabuuan, Si Duterte ay merong boto na 16,601,997 samantalang si Robredo naman ay 14,418,817.
Si Marcos sa kabuuan ay nakakuha ng botong 14,155,344.
Ito ay nangangahulugan na lamang si Robredo ng 263,473 na boto kay Marcos sa official joint canvassing ng Kongreso.
Ganap na 7:25 nang ihayag nina Senador Koko Pimentel at House majority leader Neptali Gonzales II ang pagtatapos ng canvassing at pag-uutos sa secretariat na maghanda ng report ukol sa naganap na canvassing.
Magre-resume ang joint session sa Lunes, May 30, 2016 ganap na alas 2:00 ng hapon.

Thursday, May 26, 2016

Miriam, umatras ka na

HINIKAYAT ng kampo ni president-elect Rodrigo Duterte si Senadora Miriam Defensor-Santiago na mag-concede na upang mapadali ang pagpoproklama sa susunod na pangulo.
 
Sa isang press conference sa Kamara, sinabi ni Atty. Salvador Panelo, incoming presidential spokesman na makabubuting i-waive na rin ni Santiago ang posibilidad ng paghahabol o protesta.
 
Aniya, sina Senador Grace Poe, Vice President Jejomar Binay at Mar Roxas ay nagpahayag na rin umano ng kahandaan na lumagda sa isang waiver na magpapatunay ng kanilang pagtanggap ng pagkatalo kay president-elect Rodrigo Duterte.
 
“Ang tingin namin pag si (Senator) Miriam Defensor-Santiago would concede, madadali ang proklamasyon ni Presidente Duterte. Sapagkat hindi na kailangang magkaroon ng canvassing kung iyong apat ay nagsasabing ito na ang panalo,” sinabi ni Panelo.
 
Pangamba ng kampo ni Duterte ay tumagal ang proklamasyon dahil sa rami ng protesta o nakikitang discrepancies ng kampo ni Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.
 
Higit na pinangangambahan ni Panelo ay kung dumating ang June 30 at walang naipoproklamang panalo ay walang uupong presidente pagpasok ng July.

Wednesday, May 25, 2016

Official canvassing simula na

SINIMULAN na ang official canvassing ng joint session sa mga boto ng presidente at bise presidente.
Gaya ng dati ay hindi pa rin nasunod ang oras na alas-2:00 ng hapon bagama’t maaaring dumating ang mga senador at kongresista na tumatayong National Board of Canvassers.
Unang binasa ang certificate of canvass mula sa Davao del Sur na binubuo ng 10 bayan, ang mga rehistradong botante ay 373,692 kung saan ang  valid ballot na naitala ay nasa 310,010.
Nanguna rito sa pagka-presidente si Mayor Rodrigo Duterte na nakakuha ng botong 269,660; sinundan ni Mar Roxas na 12,714; Senador Grace Poe na 8,264; Vice President Jejomar Binay na 3,013 at Miriam Defensor-Santiago na 750.
Sa Bise Presidente ay nanguna naman si Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos na may botong 80,303; pumapangalawa si Naga Rep. Leni Robredo-29,388; Cayetano–150,910; Senador Chiz Escudero–13, 551; Senador Gringo Honasan–3,518 at Senador Antonio Trillanes na may 2,887.
Sinundan naman ito ng Overseas Absentee Voting (OAV) mula sa Latin America kung saan ang nangunguna pa rin ay si Duterte sa botong 1,490; Roxas-1,030, Poe-515; Santiago-164;at Binay 95.
Sa vice president ay nanguna si Robredo-1,429; Marcos-809; Cayetano-564; Chiz-394; Trillanes-50 at Honasan-40,
Sa Malaysia ay nanguna si Duterte-2,275, Santiago-383; Roxas-210, Poe-122, Binay–62.
Sa bise ay nanguna naman sa Malaysia si Marcos-1,322; Cayetano-1,055; Robredo-534; Escudero-102; Trillanes-27 at Honasan-16.

Matatanda, may sakit unang palayain